Kulang kinse minutos ang hinintay ko bago naihain ang pansit alanganin. May dalawang mesang bakante nang dumating ako. Pinili ko ang mesang malapit sa entrada ng Nory's. Maliit lang ang pansiteria: may walong mesa lamang. May eskaparate na katapat ng mesang pinili ko. Habang naghihintay nakatitig ako sa pocky, yan yan, macademia at almond chocolates na nakadisplay sa eskaparate. Adjacent sa eskaparateng ito ang dalawang pabilog na mesa na nakalaan para sa malalaking grupo. Adjacent naman sa inuupuan ko ang counter. May mga nakapatong na garapong plastik na naglalaman ng tinging tsokolate tulad ng gold coins. Sa isang bahagi ng counter naka-display ang mga sahog para sa halo halo at para sa pansit. Ang counter na 'to ang nagsisilbing divider ng kusina at dining area. Nakalimbag sa tarpaulin ang menu ng restaurant pero hindi nakatala ang presyo.
Nang lumapit ang waitress para ibigay ang baso at pinggan ko, tinanong ko siya kung hanggang anong oras sila bukas. Sagot niya'y hanggang 8pm lang ang pansit alanganin pero hanggang 11 ay nagseserve sila ng tapsilog. Nagtaka ako kung bakit hanggang eight lang. Sagot niya, pagod na raw kasi sila dahil mula alas sais ng umaga nagluluto na sila ng pansit. Hindi ako naintriga sa lasa ng halo halo nila. Siguro dahil mas nahirati akong kumain ng pocky habang naghihintay. Napansin kong led ang kanilang wall clock nang tumunog 'to, nagsasabing alas-siyete na. Matapos ang ilang segundo bumalik ang waitress dala ang hinihintay kong pansit alanganin. Una kong kinuha ang kutsara para tikman ang sabaw. Agad ko itong naikumpara sa sopas. Pero sympre iba pa rin ang sabaw ng sopas.
Habang kumakain, naalala ko ang isa pang pansiterya na paboritong bilhan ng nanay ko ng pansit na may sabaw, ang Pink and Green. Hindi tulad ng Grace and Kris wala na ang Pink and Green. Kasalukuyan ng pet shop ang puwesto nito. Hindi tulad ng pansit ng Nory's walang gatas ang sabaw nito.
Trenta'y singko pesos ang halaga ng isang order ng pansit alanganin. Matapos magbayad, tinanong ko ang waitress kung paanong makakabalik sa crossing. Sagot niya pwedeng maghintay ng tricycle pero malapit lang naman at pwedeng lakarin.
Nagdesisyon akong maglakad kahit na pasado alas siyete na. Sabi niya'y diretsuhin ko lang ang kalye at pagdating sa sangangdaan ay lumiko sa kanan. Makikita ko ang simbahan. Bagtasin ko lang iyon at makikita ko na ang tulay. Habang naglalakad sa tulay sandali akong natigilan nang gumuhit ang talim ng kidlat. Matapos kong bagtasin ang tulay muli akong nakakita ng sangangdaan. Natatanaw ko na ang signage ng McDo at ang fly over sa crossing, tiyak akong tama ang binabagtas kong daan. Ilang minuto pa't nasa crossing na ako.
Sa huling araw ng sem break natikman ko ang pansit alanganin na nagpaalala sa akin sa iba pang pansit na nakain ko na. Pagdating sa Cruz, huminto ang dyip na sinasakyan ko para ibaba ang trapal. Nakaupo ako malapit sa estribo, hindi ako nag-iba ng puwesto. Hinayaan kong maanggihan ako. Habang nagkukumahog si manong at tinitiyak na hindi mabasa ng ulan ang upuan ng kanyang dyip, iniisip ko kung anong pansit naman ang kakainin ko sa susunod na sem break.
11 Nobyembre 2011 (Biyernes)